Nakarating sa Dapitan si Rizal at ipinagkaloob siya kay Kapitan Ricardo Carnicero y Sanchez, ang punong-militar ng Dapitan. At kasama ng pagbìbigay na iyon ang isang sulat, na bukod sa mg̃a iba’t ibang bagay, ipinag-uutos sa Gobernador na patirahin si Rizal sa kumbento roon ng mga Heswita at kung sakali ay hindi mangyari ito, ay doon siya patirahín sa bahay ng Gobernador. Dala din ni Rizal ang sulat ni Padre Pablo Pastells, ang superior ng mga Heswita, para kay Padre Antonio Obach, ang paring Heswita sa Dapitan. Ang sulat ay naglalaman ng mga kondisyon upang si Rizal ay makatira sa kumbento. Ang mga kodisyong ito ay ang sumusunod: Una, hayag na tatalikdan at pagsisisihan ni Rizal ang kanyang mga sinabi laban sa relihiyong Katolika, at maghahayag siya ng mga pagpapatotoong iniibig niya ang Espanya at kinalulupitan niya ang mga kagagawang laban sa Espanya; ikalawa, na bago siya tanggapín ay gagawa muna siya ng mga “santo ejercicio” at tsaka “confesión general,” ng kanyang dinaanang buhay; at ikatlo, na sa haharaping panahon ay magpapakagaling ng asal, na ano pa’t siya'y maging uliran ng iba sa pagka masintahin sa relihiyong Katolika at sa Espanya. Hindi sinang-ayunan ni Rizal ang mga kondisyon at nanirahan sa bahay ni K. Carnicero, ang kanyang bantay. Hinanga ni Carnicero si Rizal at binigyan siya ng mga kalayaan.